Close

ANG KOMUNIDAD

Ang Sitio Pactil ay isang komunidad ng mga magsasaka na matatagpuan sa Bauko, Monamon Sur, Mountain Province. Ang kanilang pangunahing kabuhayan ay pagtatanim ng mga gulay tulad ng patatas, karot, at mga repolyo. Noong 2013, ang kanilang komunidad ay nagpasya na magkaroon ng panibagong programa sa kanilang organisasyon: pagtatanim ng kabute. Simula noon, nakatulong ito sa kanilang pinansyal at bilang isa sa mga pinanggagalingan ng pagkain. 

Ang mga residente na gustong sumali sa organisasyon ay tinuturuan din ng mga pangunahing kaalaman sa pag-ani at maaaring kumita sa kanilang pagtulong sa organisasyon. Ang mga boluntaryo ay mahalaga rin sa organisasyon dahil karamihan sa kanila ay nasa mga sakahan.

SBMVGA

Ang St. Bede Mushroom and Vegetable Growers’ Association ay isang organisasyon para sa mga magsasaka ng SItio Pactil.

PAANO BA ITO NAGSIMULA?

Ang SBMVGA ay mayroong bilang ng 42 na miyembro at karamihan dito ay kababaihan. Ang organisasyon ang humahawak sa mga programang pangkabuhayan ng komunidad na kinabibilangan ng paggawa ng potato chips at pagtatanim ng mushroom. 

Nagsimula ang organisasyon sa paglahok sa mga training at seminar na may mga katanungan at may iba’t ibang mga pananaw. Marami sa kanila ay inisip kung kakayanin ba ito ng kanilang komunidad, ang iba naman ay ninais matuto. Kaya naman ng mapag-aralan nila ay talaga namang ikinatuwa nila ang bagong kaalaman. 

ANG MABUTING KABUTE

GINHAWA

Ang kabuhayan na dala ng kabuti ay talaga namang naghatid ng kasiyahan sa Sitio Pactil. Maaaring nangangailangan ito ng madaming oras at lakas, ngunit para sa kanila, iba ang saya na dulot tuwing nakikita nila na nagsisimulang tumutubo ang mga kabute. Kung sila’y tatanungin kung ano ang mas mahirap (pagsasaka o sa pagkakabute), wala raw silang pipiliin dahil parehas itong mahirap sa kani-kaniyang paraan. Ang lamang lamang ng pagkakabute ay ang ginhawa ng pagtatarabaho sa loob ng isang kwarto malapit sa kanilang mga tahanan. 

Madalas ay nagdadala na sila ng pagkain sa tuwing magsasaka upang walang masayang na oras. Ngunit sa pagkakabute, sila ay malaya dahil sa maluwag nitong oras. Sila rin ay nakakaiwas mula sa init ng araw, sa pagkabasa ulan, at sa hindi kabiro-birong katagalan ng pagyuko na kailangan nilang gawin upang makapagsaka.   

PAGSASAMA-SAMA

Ang pag-aani ay ang pinakamasayang bahagi ng pag-aalaga ng kabute. Masaya raw panuoring lumaki ang mga kabute, lalo na kapag punong-puno ang mga fruiting bags ng bunga. Para sa mga residente, ang pag-aani ay isa sa mga nakakatulong upang magkalapit-lapit silang mga residente. Kung sakaling madami silang ani, sila ay tumatanggap ng mga bumibili mula sa ibang bayan at naghahatid ng kabute sa malalapit na kainan at hotel. 

Ang makita ang bunga ng kanilang pagpapagal at paghihirap ay isang karansan na talaga namang nakalulugod para sa Sitio Pactil. 

PAGKAIN

Ang kabute isa na sa mga pangunahing pagkain sa Pactil. Ang mga residente ay madalas bumisita sa kanilang mushroom house upang bumili ng kabute na kanilang uulamin. Bukod pa sa madali itong lutuin at maaaring magamit sa iba’t ibang mga putahe, natatamasa nila ang bunga ng pagsisikap ng kanilang komunidad. 

TULONG PINANSYAL

Isa pang epekto ng pagtatanim ng kabute ay nakatulong ito upang maging tuloy-tuloy at palagian ang kita ng mga residente. Ang bawat isang fruiting bag ay maaaring magtagal ng walo hanggang sampung buwan at araw-araw na nagbubunga ng kabute. Ito tuloy-tuloy na lumalaki sa baway oras at talaga namang nakakasisigurado na palaging may ani. Ang bawat kilo ay naghahalaga ng 160 pesos per kilo, at ang kanilang kinikita ay hinahati sa bawat miyembro.